Mag-asawang Moro nagpapa-utang ng pera, hinoldap na, pinatay na

Agad na namatay sa mga tama ng bala ang mag-asawang mga Moro na hinoldap muna bago pinagbabaril ng dalawang motoristang salarin sa Barangay Pagagawan sa Montawal, Maguindanao del Sur nitong hapon ng Sabado, October 19, 2024.

Ayon sa mga imbestigador ng Montawal Municipal Police Station, ang mga napatay na mag-asawang sina Soliven Salakob at misis niyang si Sempak Abas Salakob ay mga moneylenders na mga residente ng Barangay Fort Pikit sa bayan ng Pikit sa probinsya ng Cotabato, hindi kalayuan sa kung saan sila tinambangan ng dalawang armadong magkaangkas sa motorsiklo na mabilis ding nakatakas.

Sakay ng motorsiklo ang magkabiyak, papunta sana ng Kidapawan City sa probinsya ng Cotabato upang maningil ng kanilang mga pautang doon nang harangin ng dalawang armadong motorista sa Barangay Pagangan sa Montawal at inagawan ng kanilang mga bag na naglalaman ng kanilang cash collections.

Ayon sa mga saksi, pumalag ang mag-asawa ng tangkang agawin ng dalawang holdapers ang kanilang mga bags kaya sila walang habas na pinagbabaril ng mga ito at, ng kapwa nakahandusay na sa gilid ng highway, ay kinuha ang kanilang mga bag at agad na tumakas gamit kanilang motorsiklo.

Sa salaysay ng mga saksi, narinig nilang sinisigawan ng dalawang mga armado ang mag-asawang Salakob na ibigay ang kanilang mga bag sa wikang Maguindanaon, indikasyon na sila ay mga Moro din, bago umalingawngaw ang mga putok sa kung saan nila hinarang ang mga dalawang mga biktima. (Oct. 20 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *