
Karagdagang 15 pa na mga armas pandigma ang isinuko ng mga residente ng Maguindanao del Sur sa Philippine Army bilang suporta sa isang inter-agency Small Arms and Light Weapons (SALW) Management Program kaugnay ng peace process ng pamahalaan at ng mga residente ng Bangsamoro region.
Sa pahayag nitong Lunes ni Major Gen. Antonio Nafarrete, commander ng 6th Infantry Division, isinuko nitong Sabado ang naturang mga armas ng mga residente ng bayan ng Talayan sa probinsya ng Maguindanao del Sur sa pakiusap ng kanilang local government executives at ng mga opisyal ng 2nd Mechanized Battalion.
Ang naturang mga armas, kinabibilangan ng siyam na M79 grenade launchers, tatlong B-40 rocket launchers, dalawang 9 millimeter Uzi machine pistols, isang 9 millimeter KG-9 machine pistol, anti-mga anti rockets at mga fragmentation grenades, ay isinuko ng mga may-ari kay Lt. Col. Jerome Peñalosa ng 2nd Mechanized Battalion at kay Brig. Gen. Oriel Pangcog, commander ng 601st Infantry Brigade.
Ang SALW Management Program ay magkatuwang na ipinapatupad ng 6th ID, ng mga regional police commands sa Bangsamoro region at sa Region 12, at ng mga local government units sa mga probinsya ng Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Cotabato, Sultan Kudarat, South Cotabato, Sarangani at sa mga lungsod ng Cotabato, Tacurong, Koronadal at General Santos.
Mahigit 40 na na mga assault rifles, mga M60 machineguns at 60 millimeter mortars ang isinuko ng mga residente ng naturang mga probinsya at mga lungsod mula ng ilunsad ng 6th ID ang multi-sector SALW Management Program nitong nakalipas lang na buwan. (Sept. 9, 2024)