Bukas na sa publiko ang isang footbridge na nag-uugnay sa magkabilang panig ng malapad na ilog sa Sitio Limonzo sa Barangay Datalblao sa Columbio, Sultan Kudarat.
Ang barangay chairman ng Datalblao, si Datu Zahir Mangelen Mamalinta, ang siyang nag-anunsyo nitong Sabado ng pagkakatapos ng naturang proyekto, nagkakahalaga ng P1 million, na pinondohan ng Sagittarius Mines Incorporated (SMI) kaugnay ng corporate social responsibility program nito.
Magkatuwang na itinayo ang footbridge ng local government unit ng Columbio, ng barangay government ng Datalblao at ng pribadong mining company na SMI na nakatakda ng magsisimula ng operasyon ngayon 2025 ng Tampakan Copper-Gold Project batay sa mga hiwalay na pahintulot ng national government at ng mga tribal leaders sa hindi kalayuang bayan ng Tampakan sa South Cotabato.
Sakop ng Tampakan Copper-Gold Project ang ilang mga lugar sa Columbio na may mga residenteng mga miyembro ng tribong Blaan.
Ayon sa mga barangay leaders at mga mayor ng Columbio, ng Tampakan sa South Cotabato, ng Malungon sa Sarangani at ng Kiblawan Davao del Sur, bagamat hindi pa nakakapagsimula ng operasyon ng Tampakan Copper-Gold Project, gumastos na ng P2.1 billion ang SMI para sa mga health, education at social welfare projects nito sa naturang apat na mga bayan. (January 11, 2025)