39th IB at Cotabato gov nagtayo ng multi-purpose pavilion

Pinasalamatan nitong Linggo, August 25, 2024, ng liderato ng Philippine Army si Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza sa suporta nito sa pagtayo ng tinaguriang Smashers Pavillion sa battalion command post ng 39th Infantry Battalion sa Barangay Poblacion sa bayan ng Makilala.

Ang Makilala ay isa sa 17 na mga bayan na sakop ng probinsya ng Cotabato na ang kabisera ay Kidapawan City, may mahigit 40 na mga barangay.

Pinasinayaan ang naturang Smashers Pavillion nitong Sabado, August 24, 2024, sa isang seremonyang pinangunahan ni Gov. Mendoza, ni Major Gen. Potenciano Camba na siyang chief-of-staff ng Philippine Army, at si Lt. Col. Anthony Fer Solano, commanding officer ng 39th IB na sakop ng Eastern Mindanao Command.

Si Major Gen. Camba ang siyang representatibo ni Lt. Gen. Roy Galido, commander ng Philippine Army, sa isinagawang blessing at inauguration ng naturang gusali.

Ayon kay Lt. Gen. Galido, malaking tulong sa pagpatayo ng naturang istruktura ang P425,646 na halaga ng materyales mula sa tanggapan ni Gov. Mendoza bilang suporta sa proyekto.

Maaring magamit ang bagong tayong Smashers Pavilion para sa mga multi-sector dialogues kaugnay ng joint peace initiatives ng 39th IB at ni Gov. Mendoza, ayon kay Lt. Gen. Galido.

Pinasalamatan ni Lt. Gen. Galido si Gov. Mendoza at ang mga mayors sa probinsya sa kanilang masigasig na suporta sa mga community peace and security programs ng 39th IB. (August 25, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *