
Karagdagang 38 pa na mga Moro na may mga problema sa mata na nakatira sa bagong tatag na Malidegao municipality na sakop ng Bangsamoro region, ngunit nasa Cotabato province sa Region 12, ang nakabenepisyo sa medical mission nitong Martes, September 3, 2024, ng mga grupong sumusuporta sa mga programa ng isang doctor sa parliamento ng autonomous region.
Mga residente ng Barangay Batulawan sa Malidegao ang nakinabang sa naturang medical mission, isa sa mga humanitarian programs na regular na pinapatupad ng tanggapan ni Bangsamoro Parliament Member Kadil Monera Sinolinding, Jr.
Sa salaysay nitong Miyerkules ni appointed Malidegao Mayor Arnal Malaidan Timan, nasuri ng libre ng grupo ng mga volunteers mula sa Deseret Surgimed Hospital sa Kabacan, Cotabato at ng mga empleyado ng tanggapan ni Parliament Member Sinolinding, Jr., na siya ring regional health minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ang naturang 38 na mga mahihirap na mga eye patients.
Katuwang si Bangsamoro Chief Minister Ahod Ebrahim, mahigit 4,000 na na mga residente ng BARMM ang nakabenepisyo sa mga medical missions ng tanggapan ng Indian-trained physician-ophthalmologist na si Doctor Sinolinding mula ng siya ay itinalaga na miyembro ng Bangsamoro parliament noong August 2022 ni President Ferdinand Marcos, Jr.
Ilan sa mga 38 na eye patients na may cataract at pterygium sa Barangay Batulawan na sinuri ng eye care mission team ng tanggapan ni Parliament Member Sinolinding ay nakalista na para maoperahan, ayon sa mga local officials ng Malidegao. (Sept. 4, 2024)