
Abot sa 163 na mga Islamic missionaries na may mga peace programs sa malalayong barangay ang tumangap ng P15,642 na allowance mula sa Bangsamoro labor ministry nitong Huwebes, August 22, 2024.
Ang pamahahagi ng Ministry of Labor and Employment-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ng naturang tatlong–buwang allowance para sa mga ustadz, o mga nagtuturo ng Islam, sa mga bayan na sakop ng BARMM ay kaugnay ng Bangsamoro Internship Development Program ng naturang ahensya.
Ilan sa mga benepisyaryo ng naturang tatlong-buwang allowance ang nagkumpirma sa mga reporters nitong Sabado ng kanilang pagtanggap nito mula sa MoLE-BARMM sa isang pagtitipon sa campus ng Jamiat Cotabato and Institute of Technology, isang Islamic school sa Cotabato City.
Pinangunahan ng representatibo ni MoLE-BARMM Minister Muslimin Sema na si Deputy Minister Tommy Nawa at ang namamahala ng kanilang Administrative and Finance Services na si Attorney Mohamad Ali Midtimbang, Jr., ang naturang aktibidad.
Sa tala, 34 na mga Islamic preachers sa Cotabato City ang tumanggap mula sa MoLE-BARMM ng P15,642 allowance bawat isa, 15 sa Maguindanao del Norte, 25 sa Lanao del Sur, 37 sa Maguindanao del Sur at karagdagang 27 pa na mga taga Special Geographic Area na sakop ang 63 na mga Bangsamoro barangays sa probinsya ng Cotabato sa Region 12. (AUGUST 24, 2024)