Dagdag na 36 pang mga baril nakolekta ng 6th ID

Karagdagang 36 pa na ibat-ibang uri ng mga baril ang boluntaryong isinuko sa 6th Infantry Division ng mga may-ari bilang suporta sa Small Arms and Light Weapons Management Program nito.

Sa ulat nitong Miyerkules ni Major Gen. Antonio Nafarrete, commander ng 6th Infantry Division, isinuko ng mga residente ng Bagumbayan sa probinsya ng Sultan Kudarat ang 36 na mga baril sa 7th Infantry Battalion sa isang seremonyang ginanap sa Barangay Kapaya sa kanilang bayan nitong Lunes.

Ang naturang mga baril, kinabibilangan ng assault rifles, tatlong M79 grenade launchers, bolt-action sniper rifles, .357 at .38 caliber revolvers, isang .45 caliber pistol at mga shotgun, ay kusang loob na ipinakustodiya ng mga may-ari sa 6th ID bilang suporta sa disarmament campaign nito kaugnay ng Mindanao peace process at naglalayong maging mapayapa ang local elections sa susunod na taon.

Ayon kay Nafarrete, ang mga opisyal ng 7th IB, ng 603rd Infantry Brigade at mga municipal officials ng Bagumbayan ang nagtulungan sa pagkolekta ng naturang mga baril.

Sa tala, mahigit 2,000 na na mga assault rifles, grenade launchers, rocket launchers, M60 machineguns at 81 at 60 millimeter mortars ang naisuko sa 6th ID ng mga residente ng ibat-ibang bayan at lungsod sa Central Mindanao nitong nakalipas na tatlong taon. (November 6, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *