Pinabulaanan nitong Miyerkules, October 9, 2024, ng siyam sa 13 na mga mayors sa Maguindanao del Norte ang ayon sa kanila mga paratang ng ilang mga pulitiko na nakikialam si Special Assistant to the President Anton Lagdameo, Jr. sa pulitika sa probinsya at sa pamamalakad ng Bangsamoro regional government.
Sa salaysay ng mga mayors sa Maguindanao del Norte na kasapi ng United Bangsamoro Justice Party, kaalyado ng Partido Federal ng Pilipinas, kumalat ang naturang mga akusasyon kay Lagdameo matapos siyang tumulong na pagkaisahin silang siyam at dalawa pang mga mayors na hindi nila kapartido sa pagsuporta sa kandidatura sa pagka-governor ni Sultan Kudarat Mayor Tucao Mastura at pagka-vice governor ni Datu Blah Sinsuat Mayor Marshall Sinsuat.
Ayon sa siyam na mga UBJP mayors, si Mastura at isa pang mayor na parehong kasapi ng ibang partido ay nagkaisa para sa naturang layunin sa isang pagtitipon sa Davao City nitong nakalipas lang na linggo, indikasyon na magka-grupo sila laban sa magiging katungali ng mga kandidatong governor at vice governor na si Mastura at Sinsuat sa darating na 2025 elections.
Sa pahayag ng siyam sa 13 na mga mayors sa Maguindanao del Norte sa kanilang pulong sa mga reporters sa Cotabato City nitong umaga ng Huwebes, hindi pakikialam sa politika sa probinsya ang mga ginawa ni Lagdameo, ganun din si South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo, Jr., presidente ng national chapter ng provincial governors league at pinuno ng Partido Federal ng Pilipinas, dahil sila ay parehong mga matataas na opisyal ng PFP na siyang partido ni President Ferdinand Marcos, Jr. kung saan mga miyembro din sila nito.
Ang mga UBJP mayors sa Maguindanao del Norte ay lumagda sa isang manifesto, sa harap ng mga reporters, na nagsasaad na walang katotohanan ang mga akusasyon laban kay Lagdameo, na ayon sa kanila ay napagbintangan din ng mga hindi nila kaalyado sa pulitika na pinilit lang sila nito na magkaisa para sa pagpapatakbo ng isang tandem lang para sa pagka-governor at vice governor ng probinsya. (October 9, 2024)