Nahaharap na sa kaukulang mga kaso ang dalawang naarestong suspects sa pananambang nitong Huwebes sa mag-asawang residente ng Kalamansig, Sultan Kudarat na nagsanhi ng kanilang agarang kamatayan.
Kinumpirma nitong Sabado ng mga opisyal ng Kalamansig local government unit at ng Sultan Kudarat Provincial Police Office na naka-detine na sina Sherwin Bation Salgan, 21-anyos, at ang 28-anyos na si Mohalidin Bito Nanding na itinuro ng mga saksi na responsable sa pag-ambush sa mag-asawang Nestor at Marilou Rondon nitong hapon ng Huwebes.
Na-aresto sina Salgan at Nanding sa isang pursuit operation madaling araw nitong Biyernes sa Barangay Sangay sa naturang bayan eksaktong 10 oras matapos nilang mapatay ang mga biktima sa isang ambush sa Barangay Santa Clara sa Kalamansig habang sakay ng motorsiklo patungo sa kung saan.
Kusang nagpa-aresto na sina Salgan at Nanding ng dumating sa kanilang pinagtataguan ang mga pulis na sakop ng Kalamansig Municipal Police Station, pinamumunuan ni Major Rodney Binoya, sa isang pursuit operation na sinuportahan ng mga barangay officials at Muslim religious leaders.
Ayon sa mga senior members ng Kalamansig Municipal Peace and Order Council, positibong kinilala ng mga saksi ang dalawa na siyang pumatay kay Rondon at misis niyang isang barangay health worker sa naturang bayan.
Sa ulat ni Binoya sa Police Regional Office-12, nakumpiska nila mula kina Salgan at Nanding ang isang Norinco .45 caliber pistol at isang Daewoo 9 millimeter pistol na kanilang ginamit sa pagpatay sa mag-asawang Rondon at isang granada.
Ayon kay Brig. Gen. Arnold Ardiente, director ng Police Regional Office-12, maliban sa mga kasong multiple murder, sasampahan din ang dalawa ng kasong illegal possession of firearms and explosive. (January 11, 2025)