
Isa na namang leader ng etnikong tribo sa Maguindanao del Sur ang napatay sa pamamaril nitong nakalipas na Sabado, pang 83 na na tribal leader sa Bangsamoro region na napaslang ng walang kalaban-laban mula 2019.
Sa mga hiwalay na ulat ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office at ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region nitong Miyerkules, pinasok ng mga armadong kalalakihan sa kanilang bakuran sa Barangay Mantao sa Datu Hoffer, Maguindanao del Sur si Baywan Angan, 40-anyos, at doon niratrat ng mga assault rifles.
Ayon kay Police Brig. Gen. Romeo Macapaz, director ng PRO-BAR, si Angan, isang chieftain ng non-Moro Dulangan-Manobo tribe, ay kilala sa Datu Hoffer na aktibo sa mga peace and sustainable development programs at sa pag-areglo ng mga alitan sa mga lupa ng kanyang mga ka-tribo at mga taga labas na umaangkin ng mga sakahan sa kanilang ancestral domain.
Ayon sa mga residente at mga barangay leaders sa Datu Hoffer, nakataas ang mga kamay ng dating barangay kagawad sa Mantao na si Angan at nakiusap pa sa mga salarin na huwag siyang saktan ng siya ay pinaputukan ng mga assault rifles bago agad na tumakas.
Sa tala ng Army at police units sa Central Mindanao, si Angan ang pang 83 na na tribal leader sa Bangsamoro region na napaslang ng mga armado mula 2019. (DECEMBER 11, 2024, HANDOUT PHOTO)