Isa patay, magsasaka, batang paslit sugatan sa pamamaril sa Zamboanga City

Isa ang patay at dalawang iba pa ang sugatan, isa sa kanila dalawang-buwang sanggol, sa dalawang hiwalay na mga insidente ng pamamaril sa Zamboanga City nitong Sabado.

Kinumpirma ng Police Regional Office-9, sa inisyal na ulat nitong Linggo, ang pagkamatay ni Roylan Solomon Montecino sanhi ng pagkakabaril ng isang nakilala lang na “Khoms” habang nakikipag-inuman sa kanyang bayaw bandang takipsilim nitong Sabado sa Capatutan sa Barangay Putik sa Zamboanga City.

Ayon sa mga opisyal ng Zamboanga City Police Office, tinamaan ng bala sa hita, dahil sa walang patumanggang pagpapaputok ng salarin, ang dalawang-buwang pamangkin ng napaslang na si Montecino na noon ay kargakarga ng kanyang kapatid at ina nitong si Liezel na nandoon din sa kung saan naganap ang insidente.

Ayon sa mga imbestigador ng Zamboanga City Police Station 5 na sakop ang Barangay Putik, biglang dumating ang naka-motorsiklong si alias Khoms sa kung saan nag-iinuman sina Montecino at mga kamag-anak, naglabas ng pistol at binaril ito ng ilang beses at mabilis na tumakas.

Makalipas ang tatlong oras, isang residente naman ng Sitio Calibato sa Barangay Lamisahan, Zamboanga City, ang magsasakang si Efren Villanueva Delos Santos, ang nasugatan sa pamamaril ng hindi pa nakikilalang lalaki gamit ang isang shotgun habang nakikipag-inuman ito sa kanilang mga kapitbahay sa naturang lugar.

Ayon sa mga opisyal ng Zamboanga City Police Station 3, agad din na nakatakas ang bumaril kay Delos Santos na agad na naisugod ng mga barangay emergency responders sa isang hospital upang malapatan ng lunas. (Dec. 8, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *