German national, tinaga ng kapitbahay dahil sa saging

CEBU — Ginagamot sa ospital ang isang German national matapos tagain ng kanyang kapitbahay makaraan putulin ng una ang mga pananim na saging ng huli, iniulat kahapon, Oktubre 23 sa bayan ng Alcoy.

Kinilala ang biktimang si Bernd Stefan Kordon, 61, German national, habang sumuko naman sa pulisya ang suspek na kinilalang si Rolando Debulosan, 64, magsasaka at kapwa residente ng Sityo Purok 1, Barangay Atabay, ng naturang bayan.

Sa report ng Alcoy Municipal Police Station, bandang 9:35 AM noong Lunes nang maganap ang insidente sa naturang lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang insidente, lasing ang biktima noong Oktubre 20, 2024 at napagdiskitahan nitong pinagpuputol ang 18 puno ng saging ng suspek.

Dahil dito, nagtungo ang suspek sa barangay para ireklamo ang biktima subalit hindi ito sumipot sa araw ng kanilang pagtawag.

Umuwi ang suspek galing barangay at inayos nito ang mga pananim na saging at nakita ito ng biktima at kinompronta ito sabay suntok.

Sa galit ng suspek, hinugot nito ang dalang itak at tinaga sa kamay at paa ang biktima na agad naman dinala sa ospital para lapatan ng lunas.

Sumuko naman sa pulisya ang suspek at posibleng maharap sa kaukulang kaso.

SOURCE: Remate Online, October 24, 2024, Mary Anne Sapico

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *