Patay ang isang residente habang apat pa ang sugatan kabilang ang dalawang sundalo makaraang mag-ala-Rambo ang isang lasing na barangay official at walang habas na mamaril sa isang chicken barbecue stall sa may busy street ng Brgy. Bagontapay sa Mlang, Cotabato nitong Sabado ng hatinggabi, October 19, 2024.
Ang namaril na abusadong barangay kapitan ng Bagontapay, si Ivan Roy Macantan, na kandidato sa pagka-konsehal sa Mlang, at tatlong mga kasama ay mabilis na nakatakas, ngayon pinaghahanap na ng mga local executives at mga kasapi ng Mlang Municipal Police Station.
Sa inisyal na ulat ng Mlang Municipal Police Station, agad na nasawi sa insidente ang biktima na kinilalang si Romnick Reyes, dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Dalawa namang off-duty enlisted Army personnel na sina Gilbert Dasig at Rollen Jay Duron, at dalawa pang sibilyan na sina Jomer Lumugda at Rosinda Macailing, ang sugatan sa pamamaril ng hindi pa tinukoy na opisyal ng barangay na tumakas.
Mariing kinondena ng mga provincial officials sa Cotabato province at mga local government executives ng mga bayan sa probinsya ang inasal ni Macantan na matagal na diumanong kilala sa pagiging arogante at nagtatapang-tapangan kung lasing. (October 21, 2024, handout photos)