![](https://nsjnews.com/wp-content/uploads/2025/01/image-141.png)
Isang US Citizen, si Elliot Onil Eastman, nakapag-asawa diumano ng taga Barangay Poblacion sa Sibuco, Zamboanga del Norte, and kinidnap ng apat na lalaking nagpanggap diumano na mga alagad ng batas bandang 11:00 p.m. nitong Huwebes, October 17, 2024.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Biyernes ng Sibuco Municipal Police Station at ng Police Regional Office-9, pinasok ng mga armado ang bahay na tinitirhan ng Amerikanong si Eastman at kanyang kabiyak sa Sitio Tungawan sa Barangay Poblacion sa Sibuco at sapiltang siyang tinangay.
Nanlaban pa diumano si Eastman kaya nabaril siya ng mga kidnappers sa hita. Siya ay dinala sa isang baybayin sa naturang bayan, isinakay sa sasakyang pandagat na mabilis na lumayag palayo, posibleng patungong Sulu, ayon sa mga opisyal ng pulisya.
Ayon kay Brig. Gen. Bowenm Joey Masauding, director ng PRO-9, nagsisikap silang matunton si Eastman at ang mga dumukot sa kanya.
Sa pahayag nitong Biyernes ni Bangsamoro regional police director Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, nakabantay na ang kanilang mga tropa sa mga bayan na nasa mga dalampasigan ng Sulu at Basilan upang mapigil ang posibleng pagdala ng mga kidnappers kay Eastman sa alinman sa dalawang mga probinsyang sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. (OCTOBER 18, 2024)