5 tepok sa mga pamamaril sa Datu Odin

Limang mga residente ng Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte, isa sa kanila menor-de-edad, ang namatay sa mga hiwalay na insidente ng pamamaril nitong Linggo, October 27, 2024.

Sa ulat nitong Lunes ni Brig. Gen. Romeo Jaime Macapaz, director ng Police Regional Office ng Bangsamoro Autonomous Region, unang napatay sa naturang mga hiwalay na insidente, naganap sa poblacion ng Datu Odin Sinsuat, ang 16-anyos na si Abdulrahim Mangundatu na binaril ni Alrashid Untong, isang security guard.

May alitan diumano si Untong at Mangundatu na nauwi sa naturang madugong insidente. Tumakas si Untong at nakapatay ng isa pa sa pamamaril, si Nasser Halid. Napatay naman ang security guard na si Untong ng mga kamag-anak ni Halid na may mga baril din.

Dalawang residente pa ng Datu Odin Sinsuat ang nasawi sa ikalawang madugong insidente sa naturang bayan nitong Linggo, ayon sa ulat ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station kay Macapaz.

Napatay ni Suharto Antong sa pamamaril ang kapitbahay na si Solayman Maulana dahil diumano sa ingay nitong kumanta gamit ang isang sound system sa isang lugar sa poblacion pa rin ng Datu Odin Sinsuat.

Nakaganti naman ng putok si Maulana kaya nasawi din sa naturang insidente si Antong, ayon sa lokal na pulisya. (October 28, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *