4 patay sa Zamboanga City highway accident

Patay ang apat na sakay ng isang truck na may kargang mga baboy na nakabundol ng isang truck sa Barangay Licomo sa Zamboanga City nitong umaga ng Martes, October 10, 2023.

Sa inisyal na ulat na natanggap ng mga reporters mula sa Zamboanga City Police Office bandang tanghali ng Lunes, hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang apat na mga biktima, sina Roseller Tomotong, Ariel Lipay, Bobong Magat at isang nakilala lamang na Noli, na maghahatid sana ng mahigit 30 na mga baboy sa isang negosyante sa sentro ng Zamboanga City.

Sa pahayag ng mga saksi, nabundol ng kanilang truck, minamaneho ni Herbert Arcilla Dela Rosa, ang likuran ng isang mas maliit na truck habang umaatras mula sa gilid ng highway sa Sitio Tigbao sa Barangay Licomo.

Sa lakas ng pagkakabangga, napunta sa gilid ng highway ang truck na sinasakyan ng mga biktima at bumangga pa sa isang posteng bakal ng Zamboanga City Electric Cooperative.

Nagtamo ng mga sugat at mga pasa sa katawan si Dela Rosa na ngayon ay ginagamot na sa isang hospital. Nakaligtas naman ang driver ng isa pang truck na nasangkot sa aksidente na si Elowino Molina Lorenzo.

Ilan sa mga kargang baboy na lulan ng truck na minamaneho ni Dela Rosa ang tumilapon, bumagsak sa sementong highway at namatay. (October 10, 2023) CONTRIBUTED REPORT, JOHN UNSON, COTABATO CITY

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *