Cotabato capitol 98% rating sa electricity conservation

Nakakuha ng 98 percent efficiency rating ang Cotabato provincial capitol sa pagpapalaganap ng electricity conservation program ng pamahalaan.

Ang naturang mataas na antas ng electricity conservation efficiency ay resulta ng on-site audit na isinagawa ng mga kawani ng Energy Utilization Management Bureau ng Department of Energy nitong Biyernes, October 6, 2023, sa Cotabato Provincial Capitol Complex sa Barangay Amas sa lungsod ng Kidapawan.

Pinangunahan ng dalawang energy auditors mula sa DOE, sina Genevieve Almonares at Nevin Dela Paz, at ng mga kinatawan ng WestCo Electrical and Equipment Corporation ang survey sa kapitolyo, kaugnay ng Government Energy Management Plan (GEMP) na ipinapatupad sa buong bansa.

Mismong si Almonares ang nagkumpirma na 98 percent ang nakuhang efficiency rating ng Cotabato provincial government sa pagtalima nito sa mga alituntunin ng GEMP, kaugnay ng Republic Act No. 11285, mas kilala bilang Energy Efficiency and Conservation Act.

Ayon kay Gov. Emmylou Taliño Mendoza, mayroon silang mga mahigpit na mga regulasyon hinggil sa pagtitipid ng paggamit ng kuryente sa lahat ng mga gusali at mga function facilities sa kanilang capitol compound.

Si Almonares at Dela Paz ang nag-endorso sa mga representatibo ng Cotabato provincial government, sa tanggapan mismo ng gobernadora, ng resulta ng kanilang ginawang audit, sa isang simpleng seremonya sa pagtatapos ng kanilang survey activity sa kapitolyo nitong Biyernes.

Makikita sa larawan ang mga kawani ng DOE at ng WestCo Electrical and Equipment Corporation na magkatuwang na nagsagawa ng electricity conservation efficiency survey sa Cotabato provincial capitol sa Kidapawan City nitong Biyernes.

(October 8, 2023, JF Unson, Cotabato City)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *