
Tatlong mga miyembro ng isang pamilyang Tausug ang patay ng masunog ang kanilang tindahan sa Barangay Kaumpurnah Zone 1 sa Isabela City sa Basilan madaling araw nitong Lunes.
Sa inisyal ng ulat ng Bureau of Fire Protection-Isabela City at ng mga kawani ng Isabela City Disaster Risk Reduction and Management Office, hindi na halos makilala sina Hadjira Cabato, 40-anyos, Alnajher Cabato, 54-anyos, at ang 17-anyos na si Jehana Cabato sanhi ng kanilang pagkatupok sa apoy.
Nakulong ang tatlo sa kanilang tindahan, kung saan sila natutulog, ng sumiklab ang apoy na sumira sa naturang gusali.
Ayon sa mga ulat ng mga himpilan ng mga radyo sa Central Mindanao nitong tanghali ng Lunes, may direktiba na si Isabela City Mayor Sitti Djalia Turabin-Hataman sa mga kawani ng kanilang CDRRMO na bigyan ng ayuda ang pamilya ng mga biktima ng sunog at tumulong sa pagpapalibing sa tatlong mga nasawi sa insidente.
Inaantabayan pa ng ulat ng BFP-Isabela City at ng lokal na pulisya sa kung ano ang nagsanhi ng naturang sunog. (December 9, 2024)