Sa kulungan ang bagsak ng mag-ama at isa nilang kasama sa pamamalakad ng isang drug den na nalambat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Cotabato City nitong Sabado, October 26, 2024.
Kinumpirma nitong Lunes ni Gil Cesario Castro, director ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, na nasa kustodiya na nila si Rodrigo Paragoso Pardillo, Sr., ang kanyang anak na si Rodrigo Dinggal Pardillo, Jr., at si Jay-Jay Buot Apiag, nahaharap na sa kasong paglabag ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Hindi na pumalag ang tatlo ng arestuhin ng mga PDEA-BARMM agents at mga operatiba ng Cotabato City Police Office na kanilang nabentahan ng P149,000 na halaga ng shabu sa loob mismo ng kanilang drug den sa Malagapas sa Barangay Rosary Heights 10, Cotabato City.
Ayon kay Castro, naikasa ang operasyong nagresulta sa pagkaaresto ng mag-amang shabu dealers at kasabwat nilang si Apiag at pagkakasara ng kanilang drug den sa tulong ng mga barangay officials sa Rosary Heights 10. (October 28, 2024)