16 kilos shabu nasamsam ng PDEA-9 SA Zamboanga City

Nakumpiska ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency ang P108 million na halaga ng shabu mula sa isang dealer na na-entrap sa Barangay Canelar sa Zamboanga City nitong gabi ng Biyernes, May 17, 2024.Sa ulat nitong Sabado ng umaga ni Maharani Gadaoni-Tosoc, director ng PDEA-9, abot sa 16 kilos ang shabu na naibenta ni Alnasher Jumdain Mudah, 42-anyos, sa kanilang mga operatiba na nagsagawa ng naturang entrapment operation sa isang lugar sa Barangay Canelar na nag-resulta sa kanyang agarang pagkaaresto.Naisagawa ang naturang entrapment operation, kung saan nakunan ng P108 million na halaga ng shabu si Mudah, sa tulong ng tanggapan ni Zamboanga City Mayor John Dalipe at ng mga units ng Zamboanga City Police Office at ng Police Regional Office-9, ayon kay Gadaoni-Tosoc.Nasa kustodiya na ng PDEA-9 ang suspect at nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.Unang nakumpiska ng mga magkasanib na mga kasapi ng PDEA-9 at ng mga pulis ang abot sa 21 kilos na shabu, nagkakahalaga ng P145.5 million, mula sa mga dealers na sina Wilson Sahiban, 25-anyos, Junjimar Hajili Aiyob, 29-anyos, Jimmy Sahibol, 30-anyos at sa 27-anyos na si Abdurahman Abdulhakim, na na-entrap sa Barangay Mampang sa Zamboanga City nito lang May 3, 2024. (MAY 18, 2024)