Muling pinaalalahanan nitong Sabado ng liderato ng Moro National Liberation Front (MNLF) ang mga dokumentadong mahigit 90,000 na mga suporters ng bagong tatag na Bangsamoro Party nito na iwasang magsalita ng masakit, o gumawa ng mga pag-aatake sa social media sa ibang mga partidong naglalayong lumahok sa kaunaunahang parliamentary elections sa autonomous region sa taong 2025. Nai-rehistro na sa Commission on Elections ang Bangsamoro Party ng MNLF na may peace agreement sa pamahaalan na nilagdaan ng mga peace panels ng bawat panig noong September 2, 1996.Sa kanyang pahayag nitong Sabado, inatasan ni Bangsamoro Labor and Employment Minister Muslimin Sema, chairman ng MNLF at presidente ng Bapa Party, ang mga kasapi at mga supporters nito na iwasang makipag-bangayan sa mga supporters ng ibat-ibang mga regional parties sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na tiyak na magpapatakbo ng mga kandidato para sa mga parliamentary districts ng mga probinsya at lungsod sa rehiyon.Dama na ng mga taga BARMM, na sakop ang mga probinsya ng Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Lanao del Sur, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi at ang mga lungsod ng Cotabato, Marawi at Lamitan, ang girian ng mga partido at mga local officials na may mga kanya-kanya ng planong lumahok sa 2025 Bangsamoro regional elections.Ayon kay Sema at sa ilang matataas na mga opisyal ng MNLF na mga kasapi din ng Bapa Party, ang mga BARMM parliament members na sina Romeo Sema at Omar Sema, mga taga Cotabato City, sina Hatimil Hassan at Muslimin Jakilan, parehong mga taga Basilan, sina Abuamri Taddik at Adzfar Usman na mga taga Sulu, mas mainam at makakabuti para sa Mindanao peace process ang tumulong na lang sa pagpapanatili ng pakikipag-kapatiran at pagkakaisa ng lahat ng residente ng Bangsamoro region.Inilunsad ng MNLF ang Bapa Party nito noong May 11, 2024 sa Kakar area sa Cotabato City kung saan hindi bababa sa 30,000 ang mga dumalo dito mula sa ibat-ibang mga probinsya ng Bangsamoro region, mula sa 63 Bangsamoro barangays sa Cotabato province sa Region 12 at mula sa Cotabato City na siyang kabisera ng rehiyon. (May 18, 2024)
MNLF Bapa Party nais maging mapayapa ang Bangsamoro regional politics

