Apat sa isang pamilya ang magkasamang nasunog habang nasa loob ng isang apartment unit na tinupok ng apoy nitong Miyerkules ng hapon, May 15, 2024, sa Barangay Tinago sa Ozamiz City sa probinsya ng Misamis Occidental. Kinumpirma mismo ng Ozamiz City Police Office at ng mga opisyal ng Bureau of Fire Protection sa naturang lungsod ang masaklap na kamatayan ni Divina Gracia Godiz Gohara at kanyang tatlong anak, dalawa sa kanila kambal na isang buwan pa lang mula ng kanyang iluwal, na hindi nakalabas sa kanilang inuupahang apartment na naapektuhan ng pagkasunog ng mga kawad na kuryente mula sa isang electric post na konektado sa naturang gusali.Bigla diumanong nagliyab ang apartment kaya hindi na nailigtas ng mga kapitbahay at mga kapamilya ang mga biktima, ayon sa ama ni Gohara, si Domingo Godiz.Sa ulat ng mga himpilan ng ibat-ibang radio stations sa Ozamiz City at mga karatig bayan sa Misamis Occidental, hindi diumano nakatugon agad sa naturang sunog ang mga Kasapi ng BFP-Ozamiz City dahil sa halip na tawagan, o iulat ang insidente sa city fire station, mas inuna pa ng mga residente sa kapaligiran ang pag-video, gamit ang kanilang mga cellphones, ng naganap na sunog.Nanawagan ang acting fire marshal ng Ozamiz City, si Fire Senior Inspector Erwin Peter Macamay, na mahalagang ipa-abot agad sa kanila ang ano mang nagaganap na sunog upang maka-responde sila ng mabilisan. (May 17, 2024, handout photos)
Ina, 3 anak, kasamang nasunog ng apartment, patay

