UPDATE: 5 sa Cotabato City timbog sa PDEA

Limang mga lalaki, isa sa kanila menor-de-edad, ang nalambat at agad na naisara ang kanilang drug den sa isang anti-narcotics operation na magkatuwang na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency at ng mga units ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region sa Barangay Poblacion 2 sa Cotabato City nitong Miyerkules, April 15.

Nakakulong na ang mga na-entrap na sina Datu Cedric Sumaya, Rashid Salindao, Ansarulla Malawi, Ali Quimbo at ang kanilang kasamang 17-anyos na lalaki na hindi na kinilala sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region dahil menor-de-edad.

Nakunan ng P3,400 na halaga ng shabu at cellphones na may mga numero ng kanilang mga kasabwat ang mga suspects sa naturang entrapment operation, magkatuwang na ikinasa ng PDEA-BARMM at ng Cotabato City Police Office na pinamumunuan ng director nitong si Col. Jibin Bongcayao.

Sa ulat nitong Huwebes ni Charlene Magdurulang, director ng PDEA-BARMM, ang naturang entrapment operation ay naikasa batay sa ulat ng kakilala ng mga suspects hinggil sa kanilang mga illegal na gawain.

Ayon kay Magdurulang, katuwang din nila ang Maguindanao del Norte Provincial Police Office sa paglatag ng naturang operation na sinuportahan ng mga barangay officials at ng tanggapan ni Mayor Bruce Matabalao.

Nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naka-detine ng suspects habang ang isa sa kanila na menor-de-edad ay isasailalim naman sa magkatuwang na kustodiya ng PDEA-BARMM at ng city government ng Cotabato. (April 17, 2026)