Modernong basketball boards, rings para sa kabataan

Nagalak ang mga barangay officials, mga kabataang mahilig sa basketball at kanilang mga magulang sa Ambolodto, Sapalan at sa Sibuto sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte sa ipinamahagi sa kanila ng isang miyembro ng 80-seat Bangsamoro parliament na mga modernong basketball rings, board at mga bola bilang community-empowerment initiative.

Sa ulat nitong Biyernes, April 17, ng mga barangay officials at mga Moro traditional leaders sa Ambolodto, mismong si BARMM parliament member Hashemi Nur Dilangalen ang siyang naghatid sa kanila nito lang nakalipas na linggo ng mga basketball rings at boards para sa mga kabataang sakop nila.

Ang barangay Ambolodto government at mga residenteng sakop nito ay nagkakaisa sa pagsulong mga local youth development programs at mga inisyatibong naglalayong mamulat sa kahalagahan ng community peace and development ang mga kabataan sa naturang lugar.

Kilala si regional parliament member Dilangalen, isang doctor of medicine, o physician, sa kanyang pagsuporta sa naturang mga inisyatibo at mga proyektong naglalayong mapabuti ang kalagayan ng mga kabataan sa mga Muslim, Christian at non-Moro indigenous communities. (April 17, 2026)