P5.6-M halaga ng imported na sigarilyo, nasamsam sa Sulu

Nakumpiska ng mga pulis ang abot sa P5.6 million na halaga ng imported na sigarilyo sa panibagong anti-smuggling operation sa probinsya ng Sulu sa Bangsamoro region nitong Huwebes, July 4, 2024.

Kinumpirma nitong Biyernes ni Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ang pagkumpiska ng mga pulis sa naturang operasyon ng 97 na malalaking kahon na naglalaman ng mga sigarilyong gawa sa Indonesia, natagpuan sa isang imbakan sa isang barangay sa Patikul, Sulu.

Naikasa ang operasyong nag-resulta sa pagkakatagpo ng naturang kontrabando at pagka-aresto ng isang lalaking nagbabantay nito sa tulong ng mga impormanteng Tausug community leaders sa Patikul, hindi kalayuan sa bayan ng Jolo, ang kabisera ng Sulu.

Ayon kay Tanggawohn ang mga imported na sigarilyong nasamsam sa naturang operasyon, magkatuwang na isinagawa ng mga kasapi ng Patikul Municipal Police Station, ng Sulu Provincial Police Office at ng mga tropa ng Regional Mobile Force Battalion ng PRO-BAR, ay nakatakda ng ipa-kustodiya sa Bureau of Customs. (July 5, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *