2 MILF ‘ gunrunners,’ nasabat sa checkpoint

Arestado nitong Huwebes ang dalawang mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front na nasabat sa isang police checkpoint sa Radjah Buayan, Maguindanao del Sur na may dalang .45 caliber at 9 millimeter pistols na ibebenta sana sa isang ka-transaksyon. Sa ulat nitong Biyernes ni Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, naka-detine na sa Radjah Buayan Municipal Police Station ang dalawa, sina Samer Maomen at Dennis Alon, na nakunan din ng identification cards na nagpapatunay na sila ay mga miyembro ng MILF 118th Base Command. Naharang sina Maome at Alon ng mga tropa ng Radjah Buayan MPS, pinamumunuan ni Captain Joel Lebrilla, sa Barangay Sapakan matapos makatanggap ng ulat mula sa mga impormante hinggil sa kanilang takdang pag-benta diumano ng kanilang dalang .45 caliber pistol at 9 millimeter pistols sa isang contact sa Barangay Pidsandawan sa naturang bayan. Maliban sa naturang dalawang baril, kinumpiska din ng mga kasapi ng Radjah Buayan MPS ang Skygo 125 na motorsiklo ng mga suspects na posible din diumano na kanilang ginamit bilang mga “hired killers,” ayon sa mga local officials ng Radjah Buayan. (July 5, 2024)