
Muling tiniyak nitong Huwebes, July 4, 2024, ni Cotabato Gov. Emmylou Taliño Mendoza na walang patid ang mga programa ng kanyang administrasyon na naglalayong mapabuti ang kalagayan ng kabataang mga Muslim, at Kristiyano sa lahat ng bayan sa Cotabato at sa Kidapawan City na siyang kabisera nito.
Ang naturang pahayag ay kasunod ng pagdalo ni Gov. Mendoza sa Summer Kids Peace Camp, o SKPC, Mayor’s Night kamakalawa sa bayan ng Matalam kung saan isa siyang panauhing pandangal.
Nakisaya ang gobernadora sa mga batang nagtipon sa naturang kids’ peace camp — mula sa pamilyang mga Muslim at Kristiyano at mga kasapi ng indigenous communities.
Sa pahayag nitong Huwebes ni Gov. Mendoza, kabilang sa layunin ng kanilang provincial government ang pagpapanatili, katuwang ang local government units, ang Philippine National Police, ang Armed Forces of the Philippines, ang Moro National Liberation Front at Moro Islamic Liberation Front, ng kapayaan sa mga dating magugulong lugar sa probinsya na ngayon mapayapa na upang tuloy-tuloy ang pag-aaral ng mga kabataan sa mga paaralan sa kani-kanilang mga barangay.
Ayon kay Gov. Mendoza, naka-focus din ang Cotabato provincial government sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga kabataan sa mga ancestral lands ng mga indigenous people, sa pakikipagtulungan ng provincial governor’s office, ng kanilang mga LGUs at mga tribal leaders. (July 4, 2024)