Nasamsam ng mga pulis ang P346,800 na halaga ng shabu sa isang dealer na nalambat nitong Miyerkules, May 15, 2024, sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte sa tulong ng kanyang mga kamag-anak mismo.Sa ulat nitong Huwebes ni Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, hindi na pumalag ang suspect, si Guiamlod Angkolan Osama, ng arestuhin ng pulis na pinamumunuan ni Lt. Col. Esmael Madin na kanyang nabentahan ng P346,800 na halaga ng shabu sa Barangay Salimbao sa Sultan Kudarat.Naikasa nila Madin, hepe ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, ang entrapment operation na nag-resulta sa pagkaaresto kay Osama, taga Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, sa tulong ng kanyang malapit na mga kamag-anak na alam ang kanyang pagbebenta ng shabu sa Sultan Kudarat at ilang mga barangay sa Cotabato City. Nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspect, nakadetine na sa Sultan Kudarat MPS, ayon sa hiwalay na ulat ni Madin sa Maguindanao del Norte Provincial Police Office at sa PRO-12. (May 16, 2024)
