Madugong `rido’ sa Pigcawayan, Cotabato natuldukan

Dahan-dahan ng nanunumbalik ang kaayusan sa Barangay Matilac sa Pigcawayan, Cotabato matapos mag-ayos ang dalawang armadong grupong Moro na ilang beses na nagbarilan at nakapatay sa bawat panig sa mga engkwentrong nagpahirap sa buhay ng daan-daang mga inosenteng pamilya. Sa pahayag nitong Linggo, April 21, 2024, ni Major Gen. Alex Rillera, commander ng 6th Infantry Division, kusang nag-distansya na sa isat-isa ang dating mortal na magkaaway na mga grupo nila Tong Talusan at Ebrahim Piang, parehong mga commander ng Moro Islamic Liberation Front, sa pakiusap ng mga local leaders at mga opisyal ng 6th ID na nagsisikap na mapalagda sila sa isang kasunduang wakasan na ng tuluyan ang kanilang madugong sigalot.Nag-ugat ang kanilang “rido,” o Moro clan war, sa agawan ng mga teritoryo at mga away pulitika na nauwi sa mga serye ng madugong labanan gamit ang mga assault rifles at grenade launchers nitong nakalipas na ilang buwan na nagsanhi sa pagkasawi ng mahigit 10 sa bawat panig. Ayon kay Rillera, bagama’t sakop ng Bangsamoro region ang barangay Matilac, isa sa 63 Bangsamoro barangays sa ibat-ibang bayan sa Cotabato na nasa ilalim ng Region 12, malaki ang naging ambag ng administrasyon ni Cotabato Gov. Emmylou Taliño Mendoza sa pag-areglo ng away nila Talusan at Piang. Pinasalamatan nitong Linggo ni Rillera ang Cotabato provincial government, mga traditional Moro leaders at ang mga namumuno ng mga unit ng 6th ID sa kanilang magkatuwang na inisyatibong mapagkasundo na sina Talusan at Piang, parehong mga opisyal ng mga 104th at 105th Base Command ng MILF, ayon sa pagkakasunod. Makikita sa larawan ang isa sa mga dayalogo ng militar at mga pinuno ng dalawang grupong nagresulta sa pagkaka-areglo ng kanilang madugong rido nito lang nakalipas na linggo. (APRIL 21, 2024)