Anim, hindi isa lang pumatay sa police captain

Hindi isa bagkus anim, dalawa sa kanila mga pulis, ang sangkot diumano sa pagpatay sa isang police captain sa palengke sa sentro ng bayan ng Parang, Maguindanao del Norte nitong Huwebes dahil lang sa simpleng hindi pagkakaunawaan.

Tangkang sisitahin lang sana ni Capt. Roland Arnold Suarez Moralde ng 14th Regional Mobile Force Battalion ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region si Mohaliden Ramalan Untal dahil may sukbit na baril sa baywang ngunit pumalag ito at nanlaban kaya sila nagkapalitan ng putok.

Limang mga kamag-anak ni Untal, dalawa sa kanila mga police master sergeants, ang agad na kumampi sa kanya at halinhinang pinagbabaril si Moralde hanggang sa mabuwal dahil sa mga tama ng bala sa naturang insidenteng na-record ng mga security cameras sa mga establisimento sa kapaligiran.

Parehong nasawi sa kanilang palitan ng putok si Untal at Moralde na Bicolonang taga Luzon na nadestino lang sa PRO-BAR sa Camp SK Pendatun sa bayan ng Parang.

Kinumpirma nitong Biyernes ni Major Christopher Cabugwang, hepe Parang municipal police, ang pagsuko sa kanila ng dalawang mga pulis na sangkot sa pagpaslang kay Moralde ngunit tumanggi siyang kilalanin ang mga ito.

Ilang mga halal na opisyal ng Parang at sa mga karatig na bayan ng Buldon at Matanog, ilan sa kanila mga Islamic missionaries, ang nag-ulat sa mga reporters na ang dalawang mga pulis na ayaw kilalanin ni Cabugwang ay sina Master Sgt. Aladdin Solaiman Ramalan at Master Sgt. Shariff Macarongon Balading.

Tatlong kamag-anak pa ni Untal, sina Bocari Ramalan, Uddin Ramalan at Pappo Ramalan ang kinumpirma ng naturang mga local officials na may kinalaman din sa brutal na pagpatay kay Moralde, batay sa isang written report ng Parang Municipal Police Station sa PRO-BAR at Maguindanao del Norte Provincial Police Office na pirmado ni Cabugwang na kanilang ipinakita sa mga reporters. (May 3, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *