Encounter ng Army at isang group sa Matalam, Cotabato

Sunod-sunod na putok ng mga assault rifles ang umalingangaw sa Barangay Kabulacan at Barangay Marbel sa bayan ng Matalam sa Cotabato ng magkasagupa ang mga tropa ng 40th Infantry Battalion ng Philippine Army at isang hindi pa nakikilalang armadong grupo ngayong umaga ng Miyerkules, Abril 15.

Ito ay ayon sa ulat ng Catholic Station DXMS sa Cotabato City ngayong hapon ng Miyerkules.

Nagsimula ang bakbakan bandang alas-6:00 ng umaga nang magpaputok ang armadong grupo sa Sitio Condring, Barangay Marbel, sa isang lupain na kanilang inaangkin.

Agad na rumesponde ang militar na nauwi sa habulan at palitan ng putok na umabot hanggang sa Purok 4 ng Barangay Kabulacan.

Nabatid na matagal nang may alitan sa lupa ang pinagmulan ng tensyon sa lugar. Sa kasalukuyan, wala pang ulat kung may nasawi o nasugatan sa magkabilang panig habang patuloy na kinokontrol ng mga otoridad ang sitwasyon.

Nagsasagawa na rin ng intelligence gathering ang Matalam Municipal Police Station upang pormal na matukoy ang pagkakakilanlan ng mga armadong sangkot sa gulo.

Samantala, rumesponde na rin ang ceasefire mechanisms ng Moro Islamic Liberation Front–AHJAG sa pangunguna nina Team Site-1 Head Nor-ali Alamada at Dhen Pandita upang tumulong sa pagmonitor at maiwasan ang lalong paglala ng tensyon.

Nananatiling naka-alerto ang mga tropa ng pamahalaan sa paligid ng mga apektadong barangay habang nakikipag-ugnayan sa iba pang law enforcement units sa karatig-lugar.

Inaasahan na sa pamamagitan ng koordinasyon ng militar, pulisya, at ceasefire mechanisms ay agad na maibabalik ang katahimikan sa lugar upang hindi na lumikas pa ang mga residente mula sa kanilang mga tahanan. (SOURCE: CATHOLIC STATION DXMS, COTABATO CITY)