Patay ang isang motorista at kanyang ina ng masapol ng ten-wheeler truck ang kanilang motorsiklo habang papalabas ng isang talyer sa gilid ng highway sa Barangay Bolong sa Zamboanga City nitong Linggo.Pumanaw mismo sa pinangyarihan ng aksidente si Jonmar Eijansantos at ang kanyang ina na si Innocencia Eijansanto matapos masapol ng cargo truck na minamaneho ni Reymundo Ledita, may plakang MAV 2644 at kargado ng mga produktong mula Davao City na ihahatid sana sa isang shopping mall sa Zamboanga City.Sa inisyal na pahayag nitong Lunes ng Zamboanga City Police Office, nagkaroon ng problema ang preno ng truck kaya nawalan ng control nito si Ledita, nagawi sa gilid ng highway at nabundol ang mag-inang magkaangkas sa kanilang motorsiklong kakaayos lang sa isang talyer sa naturang lugar.Agad namang nagpakustodiya sa mga kasapi ng Zamboanga City police force na nagresponde sa insidente ang truck driver na si Ledita at isinuko sa kanila ang kanyang driver’s license. (March 18, 2024)
Mag-inang motorista sapol ng truck, patay

