Apat na mga kasapi ng 40th Infantry Battalion ang napatay ng mga kasapi ng Dawlah Islamiya sa ambush nitong umaga ng Linggo, March 17, 2024, sa isang liblib na barangay sa Datu Hoffer, Maguindanao del Sur. Sa mga hiwalay na inisyal na ulat nitong hapon ng Linggo, kinumpirma ni Major Gen. Alex Rillera, commander ng 6th Infantry Division, at ni Bangsamoro regional police director Brig. Gen. Allan Nobleza ang insidente na nagresulta sa pagkasawi nila Pvt. Marvin Dumaguing, Pvt. Jessie James Corpuz, Pfc. Carl Araña at Cpl. Creszaldy Espertero. Magkasama sa isang sasakyan ang apat na mga sundalo, kasama ang iba pang mga ka-tropa sa 40th IB na sakop ng 6th ID, patungo sa kanilang company command post ng sila ay tambangan ng mga teroristang Dawlah Islamiya na nakaabang sa gilid ng kalye sa isang liblib na bahagi ng Barangay Tuayan sa Datu Hoffer. Agad na tumakas ang mga nag-ambush sa mga biktima ng mapansin na may papalapit sa kanila na police at mga sundalo na nag-responde sa insidente. Ayon sa mga residente ng Datu Hoffer, posibleng ganti ng mga terorista ang pag-ambush sa Barangay Tuayan sa pagkapatay ng mga sundalo ng 11 na mga miyembro ng Dawlah Islamiya sa isang engkwentro nito lang November 2023 sa isang bulubunduking lugar sa naturang barangay. (March 17, 2024)
4 sundalo patay sa Maguindanao Sur ambush

