Shabu nasamsam sa dealer na BIFF member

Nakumpiska ng mga pulis ang abot sa P680,000 na halaga ng shabu sa isang dealer, diumano konektado sa isang teroristang grupo, na nakatalon sa ilog at nakatakas ng aktong aarestuhin na sana isang operasyon sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte nitong Linggo, March 17, 2024. Sa ulat nitong Lunes ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nahalata ng suspect, si Jowi, kilala din sa mga alias na Abu Amir at Abu Muktar, na mga pulis na pinamumunuan ni Lt. Col. Esmael Madin ang kanyang mga ka-transakyon sa isang tulay sa Barangay Salimbao sa Sultan Kudarat kaya ito tumalon sa ilog at nakalangoy palayo. Ikinasa nila Madin, hepe ng Sultan Kudarat Municipal Police Station ang naturang operasyon na suportado ng PRO-BAR at ng Cotabato City Police Precint 1 ng makatanggap ng ulat mula sa mga kakilala ni Jowi na alam ang kanyang malakihang pagbebenta ng shabu. Nag-ulat din ang ilang mga impormante na mga taga Cotabato City at mga barangay kapitan sa Sultan Kudarat na alam din nila ang koneksyon ni Jowi sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na kilala sa pagkanlong sa mga kuta nito ng mga drug dealers kapalit ng pera. (March 18, 2024)