Hindi na umabot sa pagamutan ang isang 66-anyos na lalaki habang sugatan naman ang isang 34-anyos na babae matapos silang pagbabarilin nitong Miyerkules, April 8, sa Barangay Poblacion Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Sa ulat ng DXDM Layag News FM Cotabato City, kinilala ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station ang nasawing biktima na si Martin Navarro Jr., residente ng Talomo, Davao City, na nagtatrabaho bilang foreman sa isang construction site.
Samantala, patuloy na ginagamot sa ospital si Krisyl Franco, isang estudyante at residente ng Antipas, North Cotabato.
Batay sa imbestigasyon ng PNP, sakay ang mga biktima ng isang payong-payong tricycle nang pagbabarilin sila ng mga hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng motorsiklong CRF150 at XR200.
Naganap ang insidente malapit sa public market patungong Barangay Nekitan.
Sa crime scene, nakarekober ang mga awtoridad ng pitong basyo at dalawang hindi pumutok na bala mula sa isang caliber .45 na baril, na pinaniniwalaang ginamit sa pamamaril.
Samantala, naiuwi na ng mga kaanak ang labi ng nasawing biktima, habang patuloy namang nilalapatan ng lunas ang sugatang babae na nagtamo ng matinding tama ng bala sa katawan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at ang motibo sa krimen. (DXDM Layag News FM Cotabato, April 10, 2026, handout photo, Ebs Abang)

