Drug den sa Kidapawan, binuwag ng PDEA 12

Apat na magkasabwat sa pamamalakad ng isang drug den sa Barangay Poblacion sa Kidapawan City sa probinsya ng Cotabato ang naaresto sa isang raid na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency 12 at ng pulisya nitong gabi ng Lunes, April 6.

Kinumpirma nitong Huwebes ni Charlene Magdurulang, PDEA 12 director, ang pagkaaresto ng apat na mga suspects sa naturang drug den raid kung saan nasamsam mula sa kanila ng abot sa P102,000 na halaga ng shabu.

Gagamitin na ebidensya sa paglitis sa apat na suspects sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang P102,000 na halaga ng shabu na nakumpiska mula sa kanila, ayon kay Magdurulang.

May dalang search warrant mula sa isang korte ang mga agents ng PDEA 12 at mga pulis na magkatuwang na nagsagawa ng naturang raid, ayon sa mga kasapi ng multi-sector Cotabato Provincial Peace and Order Council at mga barangay officials sa Kidapawan City na tumulong sa pagkasa ng naturang drug den raid.

Ang mga naarestong suspects, sina Aejay, 30-anyos, na siyang may-ari ng drug den, at mga kasabwat niyang sina Josephine, 51-anyos, Norman, 28-anyos, at ang 39-anyos na si Erick, ay matagal ng nagsasagawa para sa kanilang mga parukyano ng pot sessions sa kanilang drug den sa isang lugar sa Barangay Poblacion sa Kidapawan City, ang kabisera ng Cotabato province.

Ayon kay Magdurulang, malaki ang naitulong ng mga barangay officials at ng administrasyon ni Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza sa kanilang anti-narcotics operation na nag-resulta sa pagka-aresto ng apat na mga suspects at pagka-samsam mula sa kanila ng P102,000 na halaga ng shabu. (April 9, 2026)