7 Dawlah terrorist tepok sa Munai, Lanao del Norte encounter

Pinaigting ng pulisya at militar ang pagbabantay laban sa posibleng paghiganti ng Dawlah Islamiya kasunod ng kumpirmadong pagkasawi ng pitong mga miyembro nito ng makasagupa ang tropa ng 44th Infantry Battalion sa Barangay Ramain sa Munai, Lanao del Norte nitong Linggo.Anim na mga sundalo naman ang nasawi, sina Cpl. Rey Anthony Salvador, Cpl. Reland Tapinit, Cpl. Rodel Mobida, Pfc. Arnel Tornito, Pvt. Michael John Lumingkit at Pvt. James Porras, ayon sa mga ulat nitong Martes ng Lanao del Norte Provincial Police Office at the 1st Infantry Division ng Philippine Army na naka-base sa Pulacan sa Labangan, Zamboanga del Sur.Sa mga hiwalay na pahayag nitong Martes, iniulat ni Brig. Gen. Allan Nobleza, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, at ng commander ng Philippine Army, si Lt. Gen. Roy Galido, na nagmamatyag ang mga Army at police units sa Lanao del Sur, sakop ng Bangsamoro region, sa posibleng pagpasok ng ilang Dawlah Islamiya terrorists mula sa Lanao del Norte kung saan sila tinutugis ng mga sundalo.Ayon kay Nobleza, nagbabantay din ang mga units ng PRO-BAR sa Lanao del Sur sa posibleng paghihiganti ng Dawlah Islamiya sa pagkasawi ng mga miyembro nito sa engkwentro ng grupo at mga sundalo sa Munai sa Lanao del Norte na sakop ng Region 10. Kilala ang Dawlah Islamiya sa panggugulo ng mga walang kalaban-laban na mga Muslim at mga Kristiyano tuwing nalalagasan ng mga miyembro sanhi ng Army at police operations.Sa pahayag ng Islamic missionaries at mga halal na opisyal sa Munai at ng isang presidente ng Association of Barangay Captains sa isang bayan sa Lanao del Norte, pitong Dawlah Islamiya terrorists ang nasawi sa mga serye ng engkwentro sa Barangay Ramain habang limang iba pa sugatan, dalawa sa kanila inisyal na kinilalang sina Monid at Ariado, na parehong mga bihasa diumano sa paggawa ng improvised explosive devices.Ang dalawa ay mga pinsan diumano ni Khadafi Mimbesa na siyang mastermind ng pambobomba nitong December 3 ng mga Katoliko sa kalagitnaan ng misa sa loob ng isang gymnasium sa Mindanao State University Campus sa Marawi City na nagsanhi ng pagkamatay ng apat na mga nagsisimba at pagkasugat ng mahigit 40 na iba pa. Si Mimbesa at siyam na mga kasama ay napatay ng mga sundalo sa isang engkwentro nitong January 26 lang sa Barangay Tapurog sa Piagapo, Lanao del Sur. (February 20, 2024)