2 patay, 2 malubha sa pagkahulog ng pick-up truck sa gilid ng highway

Dalawa ang nasawi at dalawa din ang malubha sanhi ng pag-gulong ng ilang beses at pagbulusok ng kanilang sinasakyang pick-up truck sa malalim na gilid ng highway sa boundary ng Kidapawan City at Makilala, Cotabato nitong madaling araw ng Martes, June 4, 2024.Sa ulat ng Cotabato Provincial Police Office nitong umaga ng Martes, namatay sa naturang aksidente sina Carl Janrence Garcia at Jerome Tamsi habang malubha naman ang dalawa nilang mga kasama na sina Redo Digal at Arex Bryelle Abian, parehong nilalapatan na ng lunas sa isang hospital.Ayon sa mga imbestigador ng Kidapawan City Police Office at ng Makilala Municipal Police Station, galing sa isang birthday party ang mga biktima at pauwi na sa kani-kanilang mga tahanan sa Makilala mula sa naturang kasiyahan sa Kidapawan City ng nawalan diumano ng control ang driver ng sinasakyang Toyota Hilux pick-up truck, ang nasawi na si Tamse, kaya ito gumulong-gulong at nahulog sa malalim na gilid ng highway malapit sa isang dulo ng mahabang tulay sa isang bahagi ng Cotabato-Davao Highway.Ayon sa mga kakilala, parehong mga lasing ang nasawing wala diumanong lisensyang driver na si Tamse, ang kanyang nasawi ding pasahero na si Garcia at ang mga kasama nilang mga nagtamo ng malubhang mga sugat at mga pasa sa katawan na sina Digal at Abian. (June 4, 2024)