SIAP, pinakamalaking partido sa Lanao del Sur, sasabak sa elections

Pinakaunang naghain nitong Martes, October 1, 2024, ng certificates of candidacy para sa ibat-ibang elective positions sa Lanao del Sur at kabisera nitong Marawi City ang mga kasapi ng partidong kilalang may pinakamaraming rehistradong miyembro at mga supporters sa probinsya.

Sa ulat nitong Miyerkules ng ibat-ibang mga himpilan ng radyo sa mga lungsod ng Marawi, Cagayan at Iligan, pinangunahan ni reelectionist Lanao del Sur Gov. Mamintal Alonto Adiong, Jr at Vice Governor Muhammad Khalid Rakiin Adiong ang kanilang grupo sa pag-file ng mga COC sa provincial gymnasium sa Marawi City kung saan nagpo-proseso ng naturang mga dokumento ang mga kawani ng Commission on Elections.

Si Vice Governor Adiong ang siyang presidente ng Serbisyong Inklusibo, Alyansang Progresibo, o SIAP, ang pinakaunang nabuong regional party sa Bangsamoro region, may mahigit 600,000 na mga miyembro na sa Marawi City, sa 39 na mga bayan sa Lanao del Sur, at sa mga probinsya ng Maguindanao del Norte Maguindanao del Sur, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi at sa mga lungsod ng Cotabato at Lamitan.

Maliban sa reelectionist governor at vice governor ng Lanao del Sur at mga kandidato sa pagka-mayor, vice mayor, municipal councilors at provincial board members, nag-file din nitong Martes ng kanilang mga COC sina Congressman Zia-ur Rahman Alonto Adiong at Congressman Yasser Alonto Balindong na parehong miyembro ng SIAP.

Ang SIAP ay kilalang pioneer, o pinakaunang regional political party sa Bangsamoro region na naglalayong isulong ang pagkakaisa ng mga Muslim, mga Kristiyano at indigenous sectors, o mga etnikong non-Moro communities, sa pamamagitan ng socio-economic programs at mga interfaith dialogues bilang suporta sa inisyatibong pagpalalago ng industriya at komersyo sa rehiyon. (Oct. 1, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *