Magkatuwang na inilunsad nitong Huwebes ng Japanese government, ng International Labour Organization (ILO) at ng Department of Information and Communications Technology ang Digital Transformation Center, o DTC, sa Bangsamoro region bilang suporta sa pagbangon ng mga probinsyang sakop nito sa negatibong epekto ng COVID 19 pandemic.Pinangunahan nila Khalid Hassan ng ILO, isang ahensya ng United Nations, ni Chichiro Kanno mula sa Japanese Embassy sa Pilipinas at ni DICT Assistant Secretary Wilroy Ticzon ang paglunsad ng proyekto sa compound ng Bangsamoro Telecommunications Office sa Cotabato City.Layun ng pagtatag ng DCT sa autonomous region ang ganap na digitalization ng komersyo at kalakaran sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at upang mas mapalaganap pa ang peace process sa anim na probinsya at tatlong lungsod nito na may presensya ng Moro National Liberation Front at Moro Islamic Liberation Front na parehong may mga peace agreements na sa Malacañang.Ang Japanese government ay masigasig na sinusuportahan ang Mindanao peace process habang ang ILO naman ay may mga proyektong naglalayong mapabuti ang kalagayan ng manggagawa sa BARMM at masugpo, sa tulong ng education at labor ministries nito, ang laganap na child labor sa rehiyon na sakop ang mga probinsya ng Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Lanao del Sur, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi at mga lungsod ng Cotabato, Marawi at Lamitan. (May 31, 2024)
