
Nagalak ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Grand Coalition, mas kilala bilang BGC, sa pagharang ng Supreme Court sa pagsasagawa sana ng mga plebisito kaugnay ng nais ng BARMM parliament na magtatag ng tatlong mga bayan sa Maguindanao del Norte na labag sa batas.
Ibinalita ng Public Information Office ng Supreme Court nito lang Martes, August 21, 2024, na labag sa Constitution ang pagtatag ng mga bayan ng Datu Sinsuat Balabaran at Sheik Abas Hamza sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte at ang Nuling sa Sultan Kudarat sa naturan ding probinsya kung ang lalahok sa plebisito kaugnay ng proseso ay tanging ang mga taga barangay lang na sasakupin ng naturang tatlong bayan.
Ayon sa Supreme Court, dapat din na lumahok ang mga residente ng mga barangay sa Datu Odin Sinsuat at Sultan Kudarat na hindi sasakupin ng mga itatatag na mga bayan ng Datu Sinsuat Balabaran, ng Sheik Abas Hamza at ng Nuling upang malaman kung sila ay pabor sa naturang inisyatibo ng BARMM parliament.
Nagpasalamat sa Supreme Court ang BGC, pinamumunuan nila Sulu Gov. Hadji Abdusakur Sakur Tan, Sr., Basilan Congressman Mujiv Hataman, Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, Jr., Maguindanao del Sur Gov. Mariam Mangudadatu at kanyang kabiyak na Suharto Mangudadatu na dating governor ng Sultan Kudarat, sa maagap nitong pagpigil sa Commission on Elections sa pagsasagawa ng naturang plebisito dahil labag sa batas.
Madalas na nababangit sa mga ulat ng himpilan ng radyo sa Cotabato City at iba pang mga lungsod at probinsya sa Mindanao na ang BGC ay may hindi bababa sa 800,000 na mga dokumentadong mga miyembro at supporters sa anim na probinsya at tatlong lungsod sa Bangsamoro region. (August 23, 2024, photo obtained from Google)