Nasamsam ng mga pulis ang abot sa P16.1 million na halaga ng mga imported na sigarilyo sa isang anti-smuggling operation sa Barangay BPS Village sa Malabang, Lanao del Sur madaling araw nitong Martes.
Kinumpirma nitong tanghali ng Martes ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ang pagka-kumpiska ng naturang kontrabando, lulan ng tatlong mga truck na inabandona sa isang lugar sa Barangay BPS Village sa Malabang ng mga drivers at ng kanilang mga helpers ng mapuna ang mga pulis na papalapit sa kanilang kinaroroonan.
Sa ulat ng mga officials ng units ng PRO-BAR sa Malabang, katatapos lang magkarga ng naturang mga sigarilyong imported sa tatlong mga truck ang ilang kalalakihan ng dumating ang magkasanib na mga operatiba ng Malabang Municipal Police Station, ng 2nd Provincial Mobile Force Company at ng Police Provincial Intelligence Unit upang alamin ang mga ulat hinggil sa kanilang nakatakda sanang paghatid nito sa mga bayan sa magkatabing mga probinsya ng Lanao del Sur at Maguindanao del Norte at sa Cotabato City, lahat sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Agad na kinumpiska ng mga pulis ang 403 na mga kahon na may lamang sigarilyong mula sa Indonesia, nagkakahalaga ng P16.1 million, na lulan ng tatlong abandonadong mga truck, tinakpan ng mga niyog at iba pang mga farm products.
Ayon kina De Guzman at mga officials ng Lanao del Sur Provincial Police Office, naikasa ang anti-smuggling operation na nagresulta sa pagsamsam ng P16.1 million na halaga ng imported na sigarilyo sa tulong ng traditional Maranao community leaders at mga municipal officials sa Malabang. (April 21, 2026)

