Nasamsam ng mga pulis ang P1 million na halaga ng shabu mula sa isang dealer na konektado diumano sa Dawlah Islamiya, nalambat nitong Sabado sa Barangay Ilian sa Mulondo, Lanao del Sur. Sa ulat nitong Lunes ni Col. Robert Daculan, provincial police director ng Lanao del Sur, hindi na pumalag ang suspect, hindi muna kinilala habang inaalam pa ang kinaroroonan ng kanyang mga kasabwat, ng arestuhin ng mga hindi unipormadong mga pulis na kanyang nabentahan ng 150 gramo ng shabu, abot P1 million ang halaga, sa Barangay Ilian sa bayan ng Mulondo. Ayon sa mga kasapi ng ibat-ibang Municipal Peace and Order Councils sa Lanao del Sur at mga Islamic religious leaders sa probinsya, kilala ang suspect sa kanyang koneksyon sa teroristang grupong Dawlah Islamiya na responsable sa pambobomba nitong December 2023 ng mga Katolikong nagsisimba sa isang gymnasium sa campus ng Mindanao State University sa Marawi City na nagsanhi sa pagkamatay ng apat na Katoliko at pagkasugat ng mahigit 40 na iba pa. Ayon kay Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, malaki ang naitulong ng tanggapan ni Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, Jr. sa entrapment operation sa Mulondo na nagresulta sa pagkasamsam ng P1 million na halaga ng shabu sa isang dealer na ngayon nakakulong na, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (May 6, 2024)
P1-M halaga ng shabu, samsam sa Dawlah Islamiya dealer

