Nag-ambush ng doctora sumuko sa pulisya

Isinuko ng mga kamag-anak sa pulisya ang dalawang nag-ambush at malubhang nakasugat sa isang 28-anyos na babaeng manggagamot habang nagmamaneho ng kanyang kotse sa isang bahagi ng highway sa Buluan, Maguindanao del Sur mahigit isang linggo na ang nakakalipas. Mismong mga kamag-anak at ilang local officials ang naghatid nitong Miyerkules, February 14, 2024, kay Edzra Espadera Tangcuangan at isang kasabwat na hindi na pinangalanan dahil isang menor-de-edad sa Buluan Municipal Police Station matapos makumbinsing panagutan ang kanilang ginawang pananambang nitong February 3 kay Sharmaine Ceballos Barroquillo, isang doctor sa Sultan Kudarat Provincial Hospital sa bayan ng Isulan Sultan Kudarat Magkahiwalay na kinumpirma nitong Biyernes nila Col. Roel Sermese, police director ng Maguindanao del Sur, at ni Bangsamoro region police director Brig. Gen. Allan Nobleza ang pagsuko ng dalawa sa Buluan Municipal Police Station at kusang-loob na pag-amin sa kanilang pag-ambush kay Barroquillo na maselan ang mga tinamong mga tama ng bala at kasalukuyang nasa isang pagamutan pa. Sakay si Barroquillo ng kanyang kotse ng pagbabarilin nila Tangcuangan at dalawang mga kasabwat, isa sa kanila pinaghahanap pa ng mga kasapi ng Buluan MPS at mga operatiba ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office. Ayon sa dalawang sumukong responsable sa krimen, nais nilang agawin ang sasakyan ng manggagamot at iba pang mga gamit, alahas at perang dala nito ng kanilang tambangan sa isang bahagi ng highway sa Buluan, kabisera ng Maguindanao del Sur. (February 16. 2024)