Nagsimula nang magkatuwang na magsanay ng mga law-enforcement deputies ang Bangsamoro transportation and communications ministry at mga ahensya nito at ang Regional Highway Patrol Unit-Bangsamoro Autonomous Region.
Sa pahayag nitong Biyernes, August 9, 2024, ni Bangsamoro Transportation and Communications Minister Paisalin Tago, nangunguna sa naturang inisyatibo ang kanyang tanggapan at ang Bangsamoro Land Transportation Office na sakop nito.
Ang kanilang kasalukuyang pag-oorganisa ng deputized law-enforcement groups ay kaugnay ng layuning masawata ang presensya ng mga pekeng deputies na walang pahintulot na magpatupad ng mga batas trapiko at mga regulasyong hingil sa operasyon ng mga sasakyang pampubliko sa lahat ng mga highway sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Kabilang sa mga unang sumailalim nitong nakalipas lang na ilang araw sa extensibong orientation hinggil sa mga functions at duties ng law-enforcement deputies ng MoTC-BARMM ang ilang mga kasapi ng Bangsamoro Highway Patrol Group at mga kawani ng City Transport and Traffic Management Center, o CTTMC, ng Cotabato City local government unit.
May partisipasyon din sa pagpalaganap ng naturang programa si MoTC-BARMM Deputy Minister Muhammad Ameen Abbas. (August 9, 2024)