Tatlong drug den operators sa Cotabato City, kulong na

Arestado ang tatlong matagal ng minamanmanan na drug den operators sa isang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Barangay Rosary Heights 13, Cotabato City nitong Huwebes, August 8, 2024.

Sa pahayag nitong Biyernes ni Gil Cesario Castro, director ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, nasamsam mula kina Terry Pananggalon Cando, Ariel Candol Pampliega at Tomas Ramon Mario Lago Martinez Jr. ang P108,800 na halaga ng shabu sa naturang operasyon na nagresulta sa agarang pagpapasara ng kanilang drug den sa Sitio Malagapas sa Barangay Rosary Heights 13.

Ayon kay Castro, hindi na pumalag ang tatlo ng arestuhin ng mga PDEA-BARMM agents at mga pulis na kanilang nabentahan ng shabu sa naturang entrapment operation, isinagawa sa kanilang drug den mismo.

Ayon kay Castro, kanilang ikinasa ang naturang entrapment operation batay sa ulat ng mga kakilala ng tatlong suspects hinggil sa kanilang pagpapahithit ng shabu sa kanilang hideout sa mga parukyanong mga residente din ng naturang barangay.

Naka-detine na sa tanggapan ng PDEA-BARMM sa PC Hill sa sentro ng Cotabato City sina Cando, Pampliega at Martinez, nahaharap na sa mga kaukulang kaso. (August 9, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *