
Agad na namatay sa mga tama ng bala ang isang commander ng Moro Islamic Liberation Front habang sugatan naman ang apat na iba pa sanhi ng pag-ambush sa kanila sa isang mataong intersection sa Cotabato City nitong Miyerkules, January 8, 2025
Sa ulat nitong Huwebes ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, na-deklarang dead on arrival sa Cotabato Regional Medical Center ang MILF commander na si Ahmad Kanapia Utto, residente ng Barangay Barurao sa Sultan Sa Barongis, Maguindanao del Sur.
Sakay ng isang Hilux pick-up truck si Utto at mga kasama, mula sa kapitolyo ng Bangsamoro region na liliko na sana sa kaliwa, sa Sinsuat Avenue mula sa Gov. Gutierrez Avenue, ng lapitan sa sentro ng naturang intersection at pagbabarilin ng .45 caliber pistol ng isang lalaki na mabilis na nakatakas.
Sugatan sa naturang ambush ang tatlong mga kasama ni Utto na sina Marato Angkangatan Felmin at Jaypee Felmin Emran, mga commander sa sakop ng 15th Brigade at 16th Brigade ng 105th Base Command ng MILF, ayon sa pagkakasunod.
Ang ambush scene ay mga 900 meters lang ang layo mula sa Bangsamoro regional capitol, at hindi din kalayuan sa People’s Palace na siyang operations center ng Cotabato City government, kung saan parehong may pinapatupad na mahigpit na mga security measures.
Isang kasama pa ng napatay na MILF commander, si Alladin Utto at isang nakatayo lang malapit sa pinangyarihan ng ambush, si Tahir Tega Sam, ang nagtamo din ng mga tama ng bala, ayon sa mga barangay officials at mga opisyal ng Cotabato City Police Office na nagresponde sa insidente. (Jan. 9, 2025, handout photo, JFU, Cotabato City)