Maguindanao del Sur school principal patay sa ambush

Agad na nasawi sa mga tama ng bala ang isang principal ng isang pampublikong paaralan sa probinsya ng Maguindanao del Sur na biktima ng ambush nitong hapon ng Miyerkules, November 15, 2023, sa Lambayong, Sultan Kudarat.

Ang biktima, si Hermielex Kapusan, ay isang principal ng Tukanaden Elementary School sa Barangay Tukanakuden sa Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur.

Sa pahayag nitong Huwebes ni Major Jethro Doligas, hepe ng Lambayong municipal police, sakay si Kapusan ng kanyang motorsiklo ng harangin ng mga armadong kalalakihan sa isang bahagi ng highway sa Purok Pag-asa sa Barangay Tinumigues bandang 5:00 ng hapon nitong Miyerkules.

Magkalapit lang ang Barangay Tinumigues sa Lambayong at ang Purok Rang-ay sa Barangay Poblacion Lambayong sa probinsya ng Sultan Kudarat kung saan naninirahan ang napaslang na si Kapusan.

Pauwi na si kanilang tahanan si Kapusan sakay ng kanyang motorsiklo mula sa bayan ng Sultan sa Barongis ng pinigil ng mga armadong kalalakihan na nakaabang sa gilid ng highway at agad na pinagbabaril.

Mabilis namang nakakatakas ang mga salarin, ayon kay Police Major Doligas.

Inaalam pa ng mga imbestigador ng Lambayong Municipal Police Station at ng Sultan Kudarat Provincial Police Office kung sino ang mga pumatay kay Kapusan upang masampahan ng kaukulang kaso.

Naniniwala ang kanyang mga kamag-anak na may kinalaman sa katatapos lang na October 30 barangay at Sangguniang Kabataan elections dahil nagsilbi siya bilang isa sa mga poll personnel sa kanilang paaralan kaugnay ng naturang halalan. (JOHN UNSON, NOV.16, 2023)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *