Nasamsam ng mga pulis ang P6.8 million na halaga ng shabu sa isang empleyado ng local government unit at isang kasabwat na nalambat sa Barangay Bancasi sa Butuan City nitong gabi ng Lunes, March 4, 2024.Nakakulong na ang mga suspects na sina Junry Simplicio Montilla, 44-anyos, collector aide ng Office of the City Economic Enterprise ng Butuan City LGU, at ang kanyang 47-anyos na kasamang si Ronnie Nano Simplicio.Si Montilla ay residente ng Barangay Diego Silang sa Butuan City habang si Simplicio naman ay taga Barangay Santa Fe sa bayan ng Esperanza sa Agusan del Sur. Silang dalawa ay magkamag-anak, ayon sa mga opisyal ng Police Regional Office-13.Sa ulat nitong Martes ni Brig. Gen. Kirby John Kraft, director ng PRO-13, hindi na pumalag ang dalawa ng arestuhin matapos magbenta ng mahigit isang kilong shabu sa mga hiwalay na sisidlan, nagkakahalaga ng P6.8 million, sa mga operatiba ng Butuan City Police at ng mga intelligence at anti-narcotics agents ng regional police sa Purok 1, Barangay Bancasi pasado 6:00 ng gabi nitong Lunes. Suportado ng Philippine Drug Enforcement Agency 13 ang entrapment operation na nag-resulta sa pagkaka-aresto kina Montilla at Simplicio at pagkaka-samsam mula sa kanila ng shabu na gagamiting ebidensya sa pagsampa sa kanila ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (March 4, 2024)
LGU worker, kasabwat nakunan ng P6.8-M halaga ng shabu

