Lalaki hinoldap na, ginahasa pa

Arestado ang isang 50-anyos na habal-habal driver matapos na ireklamo ng isang 21-anyos na lalaking call center agent dahil sa panghoholdap at panghahalay umano sa kanya sa madamong lugar ng Brgy. San Pascual sa Tinambac, Camarines Sur kamakalawa ng umaga.

Agad nakapagsumbong sa mga pulis ang biktimang si “Carland”, residente ng Brgy. Magsaysay kaya mabilis na naaresto ang suspek na si “Richard”, may-asawa, residente ng Brgy. San Pascual.

Sa ulat, dakong alas-8 ng umaga galing sa trabaho ang biktima at nagpahatid pauwi sa habal-habal driver na si “Richard”. Gayunman, pagdating sa bahaging masukal na lugar ay huminto ang habal-habal at bumunot ng patalim ang suspek saka nagdeklara ng holdap.

Mabilis na kinuha ng suspek ang wallet ng biktima na may lamang P10,000 at mga ID.

‘Di pa nakuntento ang suspek, puwersahan umano nitong kinaladkad ang biktima sa madamong bahagi at doon ay inabuso sa pamamagitan ng pagpagawa sa kanya ng “oral sex”.

Matapos ang kahalayan, inihatid pa ng suspek ang biktima sa kanilang barangay.

Nang makababa naman ang biktima, agad siyang nagsumbong sa mga pulis at kasamang pinuntahan ang pinaparadahan ng suspek na positibong itinuro nito na humoldap at nang-abuso sa kanya sanhi upang maaresto ang huli.

Source: Pilipino Star Ngayon, Nov. 11. 2024, Jorge Hallare

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *